July 3rd, 2008 — Litratong Pinoy
Pasensiya na po kung medyo mahaba na naman ang aking lahok ngayong linggo. Medyo nahirapan ako sa tema ng “Tatak Pinoy” dahil masyadong malawak. Pero dahil kami ng mga kaibigan ko ay nagkita-kita noong Sabado, naisip ko na ipakita kung paano naipapakita ang “Tatak Pinoy” dito sa Korea.
Kami man ay nakatira sa ibayong dagat, dala-dala pa rin namin ang pagiging Pinoy lalo na sa mga kita-kits, EB o handaan. Gaya na lang ng handaan at pagtitipon sa mga litrato sa ibaba.
Please forgive me if my entry for this week is a little long. I had a hard time deciding on the theme on “Filipino trademark” because of its wide scope. However since I met my friends last Saturday, I decided to show how we Filipinos in Korea celebrate our trademark.
Even if we live overseas, we still carry with us our Filipino identity through our meetings, EB or parties. Just like the ones below.
Handaang Pinoy. Bagamat ang iba dito ay hindi talaga lutong Pinoy, karaniwan na inihahanda ang spaghetti (o pansit), lumpia, fruit salad, pritong manok, menudo, chopsuey at kanin. Syempre lahat ay angkop sa panlasang Pinoy.

Anim na K ng handaan o pagtitipon na may Tatak Pinoy:

Kodakan ^

Kantahan ^

Kuwentuhan ^

Kainan ^

Kulitan ^
at…

“Kol”dilocks ^
Tribiya: Ang isa sa aking mga kaibigan (yung nakapula sa huling litrato) ay nakikita sa TV dito sa Korea sa isang palabas sa KBS, pambansang istasyon, tuwing Martes ng gabi. Lumabas din siya sa isang patalastas para sa isang sikat na organisasyon. Psst! Wala po silang kamalay-malay na na-extra na NAMAN sila sa blog ko.
June 26th, 2008 — Litratong Pinoy

The Little Prince o Ang Munting Prinsipe ay isa sa pinakapaborito kong libro. Hindi lahat ng pag-aaral ay nagaganap sa apat na sulok ng silid-paaralan. Bagkus, ang pinaka-importanteng kaalaman ay natutunan sa pakikipag-kapwa at sa karanasan sa buhay. At dahil dito, ang pag-aaral ay isang napakahabang proseso na nagsisimula sa pagkabata hanggang sa pagtanda.
June 5th, 2008 — Litratong Pinoy

Dito sa bansang Korea, ang kasal ay karaniwang ginaganap tuwing tag-sibol (Spring) at tag-lagas (Autumn). Ang lugar ng kasalan ay tinatawag na “Wedding Hall”. Karaniwan na may dalawang parte ang kasal dito. Ang una ay para sa estilong Kanluran kung saan nakasuot ng tradisyonal na puting damit ang babae at Amerikana naman sa lalaki. Ang pangalawang parte ay ayon naman sa tradisyon ng mga Koreano noon. Dito ay nakasuot ng “hanbok” o pambasang kasuotan ang ikinakasal. Isa sa seremonyas na ikinatutuwa ko sa tradisyonal na kasal nila ay ang pagbuhat ng lalaki sa babae sa kanyang likod o “piggy back ride” sa wikang Ingles. Ito raw ay simbolo na susuportahan ng lalaki ang kanyang asawa. Hindi namin ito ginawa noong ako’y ikinasal. Mas mabigat ako sa asawa ako at ayos lang na hindi sumunod sa tradisyon kesa naman mabalian siya ng buto sa araw ng aming kasal (paano naman ang pulot-gata?). Ang larawang ito ay sa kasal ng isang kaibigan.
May 29th, 2008 — Litratong Pinoy
Dumukot ako sa baul ng aking mga litrato para sa edisyong ito ng Litratong Pinoy. Ang paksa sa linggong ito ay “Ihip ng Hangin”. Pagpasensiyahan na kung naparami ang aking lahok, natuwa lamang ako na marami-rami rin pala akong nakuhanan gamit ang aking nasirang point-and-shoot na Konica. Mga litrato ng tag-lagas (autumn) kung kailan maraming nalalagas na dahon dala ng ihip ng hangin.

Ang aking kaibigan na si Anna Banana. Natiyempuhan ko ang kanyang tuwa sa mga nalagas na dahon sa isla ng Nami (kung saan kinunan ang palabas na “Winter Sonata”)

Tag-lagas sa isla ng Nami

Si Ivan Mayrina, nakuhanan ko habang ginagaya ang litrato sa likod ni Bae Yong Joon.

Sa Ellis Island sa New York noong bumisita ako kasama ang aking ate.

Sa Central Park sa New York.

Sa labas ng bahay ng aking ate sa Ohio.
May 22nd, 2008 — Litratong Pinoy

Kuha ang larawan na ito sa harap ng Seoul City Hall sa South Korea sa “Araw ng mga Bata”. Ang sarap maging bata.

Kaylawak na tubig. Nakaka-enganyo, ngunit malamig.

Kuha sa Cheonggyecheon sa Seoul. Sarap pagmasdan. Sarap pakinggan ng umaagos na tubig.
Marami pang “tubig” sa Litratong Pinoy.
May 15th, 2008 — Litratong Pinoy

Umaapoy na baga (o uling) ang ginagamit sa pagluto ng isa sa pinakapaborito kong pagkain dito sa Korea. Ito ay ang “sut bul wang kalbi” o malaking tadyang ng baboy na binabad sa espesyal na sarsa at niluluto sa ibabaw ng apoy na mula sa uling. Napakasarap! May mga bisita ako na galing ng Pilipinas at Amerika at nasarapan din sila sa pagkaing ito. Samahan pa ng hilaw na hiwa ng bawang o kaya’y isang malaking sili at tiyak na aapoy sa iyong mga dila ang pinagsamang sarap ng pagkaing ito.
Kung nais mo pang makakita ng mga “Umaapoy” na litratong Pinoy… bisitahin ang pahinang ito.
May 9th, 2008 — Litratong Pinoy

Ang aking unang lahok sa Litratong Pinoy. Iba’t-ibang mukha ng isang ina. Mula sa kaliwa: ang aming nanay, ang aking pamangkin na ina ng manyika niya, isa pang pamangkin na tumatayong ina sa mga pinsang nakababata sa kanya, at ang aking ate na isang tunay na matapang na ina na hindi sumuko anu man ang ibato ng tadhana sa kanya.